Madilim ang paligid at pilit kong minumulat ang aking maliliit na mga mata. Pilit kong ginagalaw ang aking maliliit na kamay at paa. Ako ay nasasabik sa aking mga naririnig sa paligid. Ako ay labis na nasasabik sa pagdating ng tamang araw. Bawat araw ay aking sinusubaybayan. Bawat araw sa akin ay isang regalong bigay ng Poong Maykapal. Maraming katanungan ang sa aking isip ay naglalaro. Ano kaya ang magiging itsura nila? Ano kaya ang lugar na aking kalalakihan? Ano kaya ang naghihintay na kapalaran sa akin? Ang tanging alam ko lamang ay mabait sa akin ang Ama kung kaya’t hindi niya ako pababayaan. Walang araw na hindi ako nangarap. Walang araw na hindi ako nasabik. Nais ko nang madama ang kanilang mahihigpit na yakap, ang matatamis na halik, ang masasarap na pag aaruga at pagkalinga.
Ngunit sa aking paghihintay, ako ay biglang nagdalamhati. May kung anong matulis na bagay ang unti-unting tumutusok at kumikitil sa aking maliit na katawan. Bawat bahagi ay naaabot ng matulis na bagay. Hindi ko malaman kung ano ang aking gagawin. Sigaw ako ng sigaw. Iyak ako ng iyak. Wala akong tigil sa paghingi ng saklolo sa kung sino mang may mabuting puso ang makakarinig sa akin. Habang tumutusok sa akin ang mahabang bagay na iyon, unti-unting bumalik sa aking munting alaala ang aking pinakasasabikan: ang mga yakap, halik at pag-aaruga. Mga bagay na hindi ko na mararamdaman kailanman. Napakasakit ng aking sinasapit. Dahan-dahan kong nararamdaman ang dugong pumapatak. Unti-unti akong nanghihina at naisipan kong magdasal, “Ama, maraming salamat sa maikling buhay na iyong ipinagkaloob sa akin. Nawa’y mapatawad mo ang aking minamahal na ina… hindi po niya naiintindihan ang kaniyang ginagawa.”
Ang aking malakas na sigaw ay dahan-dahang nawawala. “Ina, hindi ko alam kung ano ang iyong dahilan kung bakit mo ito ginagawa. Ako pa naman ay nananabik na makita at mahalin ka. Lagi mong pakatatandaan na ikaw ay aking papatnubayan. Ang akin lamang dasal ay sana naipadama ko man lamang sa iyo ang aking pagmamahal. Sana ang susunod sa akin ay bibigyan mo na ng pagkakataong madama ang iyong pag– aaruga, pagmamahal at pagkalinga…” Ito ang mga huling katagang manggagaling mula sa aking munting tinig na hindi na kailanman maririnig.